Reklamo ng pag-transfer mula private tungo sa public schools dumagsa sa DepEd

MANILA, Philippines - Isa sa pinakamaraming natanggap na reklamo at katanungan kahapon ng pamunuan ng Department of Education (DepEd) Command Center sa pagbubukas ng unang araw ng klase ay isyu sa pag-transfer ng mga estudyante mula pribadong paaralan patungong pampubliko.

Ang pinakamaraming reklamong natanggap ng DepEd Command Center mula sa Metro Manila  ay 188 na kaso hanggang alas-1:00 ng hapon pa lamang.

Sinabi ni Deped Asec. Jesus Mateo na ilan sa naging problema ay ang pagkabigong makakuha ng Form 137 o patunay ng completion ang mga magulang ng mga bata mula sa private schools dahil may bayarin pa ito.

Agad inaksyunan ng DepEd ang problema at hinimok ang mga pribadong paaralan na bigyan na lamang pansamantala ng xerox copy ng dokumento ang mga transferee para makapasok na ang bata.

Bukod  sa transferee, nakatatanggap din ng  reklamo ukol sa compulsory contribution umano sa mga paaralan tulad ng PTA fee, Boy Scout membership at iba pa.

Bukas ang Command Center ng DepEd mula alas-7:00 ng umaga hanggang alas-6:00 ng gabi na tatagal hanggang Hunyo 6.

 

Show comments