MANILA, Philippines - Isang pulis ang namatay noon din habang nasugatan ang dalawa nitong kasama nang pagbabarilin sila ng mga miÂyembro ng drug syndicates habang nagsasagawa ng surveillance kahapon ng madaling-araw sa Molino Road, Brgy. Molino 3, Bacoor City, Cavite.
Nasawi noon din si SPO3 Alejandro Ame, nakatalaga sa Quezon City Police District-Station 4.
Nasugatan naman sina PO1 Leonard Sayagadoro at ang PDEA informer na si Alvic Martin habang nakaligtas naman ang isa pang PDEA agent na si Ramiro de Guzman na kasama ni Ame sa surveillance operation.
Sa ulat, bandang alas-3:00 ng madaling araw habang abala sa surveillance operations sina Ame sa nasabing lugar nang pagbabarilin sila ng anim hanggang 10 armadong kalalakihan na hinihinalang miyembro ng drug syndicates sa highway ng Molino Road.
Nabatid na sakay si Ame ng kanyang Toyota Vios habang ang PDEA agents ay sakay ng Toyota Innova nang dumaan ang isang motorsiklo na sinasakyan ng mga suspek at pinagbabaril ang sasakyan ng mga otoridad.
Nagawa pa anyang makipagpalitan ng putok nina Ame, subalit sumaklolo ang back-up na lulan naman ng isang van at pinagbabaril ang mga biktima na kung saan ay tinamaan si Ame na siyang ikinasawi nito habang ang bahagyang sugat ang tinamo ng isang PDEA agent at isa pang kasama.
Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang mga basyo ng bala ng M 40, M16 rifle at cal. 45 pistol.
Inihayag naman ni Quezon City Police District (QCPD) Station 4 chief, Supt. Norberto Babagay, na itinalaga si SPO3 Ame noong May 5, 2014, subalit hindi ito sumusulpot kung kaya’t inilagay niya ito sa AWOL status matapos mabigo na ayusin ang kanyang assign paper.
Ayon pa kay Supt.Babagay na wala silang kinalaman kung paano ito napunta sa Cavite at nagsagawa ng anti-drug operation si Spo3 Ame.