26-M Estudyante balik-eskwela

Abala ang mga gurong ito sa isang pampublikong paaralan sa Maynila sa pagsasaayos ng mga upuan sa kanilang silid aralan para sa pag-welcome ng kani-kanilang mga estudyante ngayon araw na ito. EDD GUMBAN

MANILA, Philippines - Balik-eskwela nga­yon araw ng Lunes, Hunyo 2 ang tinatayang nasa 26-milyon mag-aaral sa bansa na ang 20-milyon ay sa mga pumpublikong paaralan habang ang 6-milyon ang mula sa pribadong eskuwelahan.

Tiniyak naman ng Department of Education (DepEd) na all system go o handa  sila sa school opening at  lahat ng estudyante sa pampublikong paaralan ay makapagsisimula ng klase ngayong araw.

Sinabi ni DepEd Secretary Armin Luistro, wala na rin silang inaasahan magaganap na mala­king problema ngayong araw dahil unti-unti na nilang naisaayos ang mga naging suliranin noong mga nakalipas na taon, tulad ng kakulangan ng mga silid aralan, libro, mesa at mga upuan.

Ipinag-utos na rin ni Luistro ang ‘Day One, Lesson One’ upang matiyak na walang masasa­yang na araw para matuto ang mga mag-aaral.

Aniya, ang  dahilan kaya nagdaraos sila ng early enrolment at Brigada Eskwela ng mas maaga ay upang matiyak na hindi na makakaistorbo ang mga naturang aktibidad sa unang araw ng kalse.

Ayon kay Luistro, sa pagpasok ng mga estudyante sa unang araw ay agad na maturuan ng kanilang mga guro sa kani-kanilang mga asignatura.

Ang DepEd ay nagpapatupad ng  20 day “buffer” para sa mga school activities at mga suspension ng klase sa panahon ng mga kalamidad.

Samantala, tutol naman ang grupong Alliance of Concerned Tea­chers (ACT) sa panukalang 3-day school week.

Ayon kay Rep. Antonio Tinio ng ACT, labag rin sa basic rights ng mga bata at maging ng mga guro ang natu­rang panukala dahil ang mangyayari aniya dito ay magiging 12-oras na ang kanilang pasok o mula alas-6:00 ng umaga hanggang alas-6:00 ng gabi.

Una naman nang nilinaw ng Department of Education (DepEd) na hindi pa nila ipapatupad ang 3-day school week ngayong academic year 2014-2015 dahil pinag-aaralan pa nila ito.

Ang naturang iskima ay plano sanang ipatupad ng DepEd sa mga congested schools sa Metro Manila.

 

Show comments