Senators sa ‘napolist’ kanya-kanyang tanggi at depensa

MANILA, Philippines - Kanya-kanyang tanggi at depensa kahapon ang mga senador na nabanggit sa affidavit ni Janet Lim-Napoles na diumano’y nakatanggap ng milyun-milyong pera mula sa itinuturong utak ng pork barrel fund scam.

Itinanggi ni Senator Francis “Chiz” Escudero na nabigyan siya ni Napoles ng pondo noong 2010 para gamitin sa eleksiyon gayung hindi siya kandidato at hindi totoo ang sinasabing cash advance ni Napoles kung saan binanggit nito ang log book ng whistle blower na si Benhur Luy na diumano’y hindi naman kasama ang kanyang pangalan.

Sinabi naman ni Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos na mismong ang affidavit na ni Napoles ang nagsasabing kahit isang beses ay hindi niya ito naka-meeting at kahit isang beses ay hindi siya nagkaroon dito ng transksiyon.

Tinawag namang “political persecution masquerading as search for truth” ni Senator Cynthia Villar ang pagkakasama ng pangalan niya sa listahan at ma­ging ng asawang si dating Senator Manny Villar.

Muling itinanggi ni Villar na kakilala niya si Napoles at hindi rin umano siya  nagkaroon ng kahit anong transaksiyon dito.

Isang smear campaign o paninira ang paniniwala ni Senator Loren Legarda sa pagdadawit sa kanya sa pork barrel scam at anya kahit kailan ay hindi siya nag-endorso ng anumang non-govt organization para paglaanan ng kanyang Priority Development Assistance Fund.

Kasong libel ang isasampa ni Senator Aquilino “Koko” Pimentel kay Napoles dahil sa ginawang pagdawit sa kanyang pangalan sa pork scam.

 

Show comments