Misis tinodas ng selosong mister... burger stand murder

MANILA, Philippines - Sa loob mismo ng burger stand inatado ng isang mister ang kanyang misis matapos na maaktuhan niya ito na katabi at pinapaypayan ang karelasyong pulis kahapon ng madaling-araw sa Tondo, Maynila.

Ang biktima na namatay habang ginagamot sa Gat Andres  Bonifacio  Memorial Medical Center ay kinilalang si Jerica Sioco, 20, ng B-5 Bonifacio St., Magsaysay Village, Tondo, Maynila at  crew ng Burger Machine.

Agad na nadakip ang suspek na kinila­lang si Richard Ryan Reyes, 28, residente ng 731-D, Pampanga St., Gagala­ngin, Tondo.

Batay sa ulat, dakong alas-5:30 ng umaga ay naabutan ng mister ang misis na pinapaypayan nito ang karelasyong pulis sa loob ng Burger Machine stand na nasa harap ng MPD Station 2 sa Juan Nolasco St. kanto ng Morga St., Tondo.

Nakita ng pulis ang suspek kung kaya’t mabilis itong umalis at dito ay kinompronta ng una ang misis at hiniling na sila ay magbalikan upang maalagaan  ang kanilang anak.

Nagmatigas umano ang biktima na nauwi sa mainitang pagtatalo hanggang sa nagdilim ang pag-iisip ng suspek at pinasok ang  burger stand at inundayan nang sunud-sunod na saksak ang misis.

Naaresto  agad ng mga pulis ang suspek.

Show comments