MANILA, Philippines - Isang opisyal ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Sorsogon at tatlo nitong tauhan ang sinibak sa puwesto matapos na ireklamo ng extortion ng isang barangay kagawad sa lalawigan.
Ayon kay PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) Chief P/Director Benjamin Magalong ang mga sinibak sa puwesto ay kinilalang sina Sr. Inspector Marvin Pedere, Provincial CIDG Chief sa lalawigan ng Sorsogon at tatlo nitong tauhan na hindi pinangalanan matapos na ireklamo ng extortion ni Barangay Kagawad Jimmy Espaldon Jr., ng Brgy. Mabini, Casiguran ng lalawigan.
Nag-ugat ang kaso sa isinagawang raid ng CIDG Sorsogon sa bahay ng kapatid na lalaki ni Espaldon noong Mayo 22 kung saan ang operasyon ay pinaÂngunahan ni Pedere na naghahanap ng mga armas.
Gayunman, nabigong makasamsam ng target na mga baril ang CIDG team at sa halip ay ilang bala lamang na umano’y ginamit nito sa pagsasanay sa Philippine Army noong 1996 ang nakumpiska sa bahay ng kapatid ni Espaldon.
Sa kabila ng wala namang umanong nakumpiskang mga baril na siyang nasa search warrant ay inaresto pa rin ng mga operatiba ni Pedere ang kapatid na lalaki ni Espaldon.
Gayunman sa halip na sa kanilang himpilan dalhin ang kanilang inaresto ay sa isang restaurant ito dinala kung saan ay pinagbayad pa nina Pedere sa masasarap na putaheng todo sawa ng mga itong inorder.
Idinagdag pa rito na hinihingan umano ng mga pulis ng P 35,000 si Espaldon kapalit ng hindi pagsasampa ng kasong kriminal laban dito.