Iligal na pagawaan ng baril, nalansag, 3 kulong
MANILA, Philippines - Nalansag ng pulisya ang isang pagawaan ng mga iligal na baril at nagresulta rin sa pagkakadakip sa tatlo katao, kahapon ng madaling araw sa Malabon City.
Nakilala ang mga suspects na sina Arnel Marcelino, 30, ng No. 127 Burgos St. Brgy. Concepcion, ng naturang lungsod; Gil Villanueva, alyas Boy, ng No. 49 Bisig ng Kabataan, Sangandaan, Caloocan City at Arnulfo Arienda, Jr., Brgy. Graceville, San Jose del Monte, Bulacan.
Sa ulat ng Caloocan Police, una na nilang isinailalim sa surveillance operation ang pagawaan ng baril sa naturang lugar dahil sa mga ulat na natatanggap ng pulisya na dito nagmumula ang mga iligal na baril.
Isinagawa ang raid dakong alas-4:10 kahapon ng madaling araw kung saan naaktuhan ang tatlong suspects na abala sa pagbuo ng kalibre .45 at kalibre .38 na baril.
Ilan sa mga baril ay may silencer pa kaya hinihinala na dito nangagaling ang mga baril na ginagamit ng mga sindikato na sangkot sa “gun for hireâ€. Nakuha rin sa mga suspects ang isang pakete na naglalaman ng hinihinalang shabu.
Kasalukuyang isinasailalim na sa masusing imbestigasyon ang mga suspek at nakatakdang sampahan ng kaukulang mga kaso.
- Latest