MANILA, Philippines - Sinibak na sa puwesto ang Battalion Commander ng Explosive Ordnance Division (EOD) sa Fort Bonifacio, Taguig City kaugnay ng trahedya sa sunog at serye ng pagsabog na ikinasawi ng tatlong sundalo habang 29 pa ang nasugatan.
Kinilala ang nasibak na opisyal na si Lt. Col. Florante Sison na hindi muna bibigyan ng anumang command position sa loob ng dalawang taon.
Ayon kay Philippine Army Spokesman Lt. Col. Noel Detoyato, ang pagsibak kay Sison ay batay sa inilabas na resulta ng imbestigasyon ng Army Board of Inquiry sa pamumuno ni Brig. Gen. Cesar Sedillo.
Aniya, lumitaw sa imbestigasyon ng BOI na nagkaroon ng spark o ignition dulot naman ng friction sa loob ng imbakan ng mga baril at eksplosibo sa storage room ng EOD Battalion sa Army Support Command noong Mayo 7.
Ang nasabing spark ay lumikha ng sunog at serye ng mga pagsabog dahil may mga nakaimbak din ditong mga powder na ginagamit sa paggawa ng explosive device.
Maliban dito, nabatid na walang nakatalagang safety officer sa EOD Battalion Headquarters nang naganap ang sunog na isang malinaw na paglabag sa Standard Operating Procedures.
Binigyang diin ng opisyal na tungkulin ng safety officer na bantayan ang imbakan ng mga bala at eksplosibo na dapat agad na tumugon at humingi ng tulong kapag nagkaroon ng hindi inaasahang insidente tulad ng sunog.
Samantala, pumanaw na rin ang isa pang si 1st Lt Dinar Alozada, nagtamo ng 80 % na pagkasunog ng katawan. Dakong alas-3:39 ng hapon, kamakalawa ng ideklara itong patay sa East Avenue Medical Center, Quezon City.
Magugunita na magkakasunod na nasawi ang dalawang sundalong sina Corporal Bernabe Mota at Master Sergeant Ferdinand Rapal na kapwa nagtamo ng malalang sugat sa katawan.