Jinggoy ‘ready’ nang makulong - Erap

MANILA, Philippines - Inihahanda na  umano ni  Senator Jinggoy Estrada ang kanyang sarili sa posibilidad na pagkakakulong matapos na isangkot sa kontrobersiyal na pork barrel scam.

 Ito naman ang paniniwala ng dating pangulo at ngayo’y Manila Mayor Joseph Estrada dahil na rin sa walang tigil na pagsasangkot sa kanyang anak sa walang basehang  pork barrel scam.

Aniya,  tiwala siyang  malalagpasan ng  kanyang anak ang  kaso at ipagtatanggol ang  kanyang sarili mula sa umano’y  multi-million priority development assistance funds (PDAF).

Paliwanag ng alkalde, wala naman din umano itong pagkakaiba sa kanyang naging sitwasyon noon nang akusahan siya ng Arroyo administration ng  plunder. Na-convict si Estrada ng Sandiganba­yan noong 2007  subalit nabigyan din ng  pardon ni dating Pangulong Arroyo.

Itinanggi rin ni Estrada   ang  alegasyon na ginamit  ng  senador ang kanyang pork barrel allocations  sa pamamagitan ng pagamit ng  pekeng NGOs na konektado kay Janet Napoles.

Lumilitaw umano na “selective justice”  ang nangyayari dahil tanging sina Jinggoy, Senador Ramon Revilla at Senador Juan Ponce Enrile lamang ang  idinidiin sa kaso.

“Makikita mo na talagang they’re really hell-bent on jailing the three senators. Pagka- kami, tatlong senador ang nababanggit, masyadong credible ang istorya ni Janet Napoles, ni Benhur Luy, ng listahan. Pero pagka-iba ang involved, lalo na ang kaalyado ng administrasyon, napaka-incredible naman, di ba?” dagdag pa ni  Estrada.

 

Show comments