MANILA, Philippines - Isang piskal ang nasawi habang nasa kritikal namang kalagayan ang driver nito nang tambangan sila ng hindi pa nakilalang mga suspek kahapon sa Marawi City, Lanao del Sur.
Namatay noon din ang biktimang si Atty. Zaipal Alawi Sr., 64-anyos, Assistant City Prosecutor at residente ng Brgy. Loksadatu Bangon ng lungsod dahil sa tinamong mga tama ng bala ng cal. 45 pistol at cal 9 MM sa ulo at iba pang bahagi ng katawan nito.
Nasa kritikal na kondisyon sa Amai Pakpak Hospital ang driver nitong si Saiben Baiza, 46-anyos na nagtamo ng mga tama ng bala sa likurang bahagi ng katawan at mukha.
Sa imbestigasyon, bandang alas-11:45 ng umaga ay kasalukuyang bumabagtas ang kinalululanang kotÂse na Toyota Corolla GLI (TFY-138) ng mga biktima at binabaybay ang kahabaan ng Crossing Sarimanok, Brgy. Marawi, Marawi City nang pagbabarilin ng mga suspek pagsapit sa lugar.
Inaalam pa ng pulisya kung anong sensitibong kaso ang hinawakan ng biktima kung bakit ito pinatay.