Salvage victim natagpuan sa QC

MANILA, Philippines - Isang hindi nakikilalang bangkay ng lalaki na hinihinalang biktima ng salvage ang natagpuan sa gilid ng Quirino Hi-way sa Quezon City kahapon ng umaga.

Ayon kay PO3 Erickson Isidro, ang biktima ay may bakas ng sakal sa leeg at tusok ng matulis na bagay sa kanyang kaliwang mata nang makita ng mga residente.

Isinalarawan ang biktima sa pagitan ng edad 35-40, may taas na 5’1, nakasuot ng kulay puting-tshirt at maong na short pants.

Sinabi ni Isidro, alas-6:00 ng umaga nang madiskubre ang biktima sa kahabaan ng Quirino Hi-way, harap ng Sacred Heart Novitiate, Brgy. Pasong Putik.

Ayon kay Jinky Yape, opisyal ng barangay, nakatanggap umano sila ng tawag mula sa isang concerned citizen kaugnay sa isang lalaking nakahandusay sa gilid ng nasabing kalsada.

Agad na pinapunta ni Yape ang isa nilang barangay tanod sa lugar kung saan nadiskubre na wala ng buhay ang biktima.

Ipinagbigay alam ng barangay ang insidente sa QCPD-station 5 para sa kaukulang pagsisiyasat.

Show comments