Bus, nagliyab sa SLEX

MANILA, Philippines -  Nagliyab ang isang pampasaherong bus habang ito ay bumibiyahe sa South Luzon Expressway (SLEX), malapit sa Ni­chols exit sakop ng Pasay City, kahapon ng umaga.

 Sa ulat, dakong alas-5:57 ng umaga nang mag-umpisang sumiklab ang apoy sa St. Jude Transit bus (EVG 209) na minamaneho ni Joel Daguiso pagkalagpas ng Sales Bridge malapit sa Ni­chols Exit.

Galing sa Bicol ang naturang bus at biyaheng Araneta bus station sa may Cubao, Quezon City. 

Ayon sa ilang pasahero, nasa Alabang pa lamang nang makaramdam na sila ng kakaibang tunog sa bus at nag-um­pisang makaramdam ng init sa loob nang patungo sa Nichols Exit hanggang magliyab at magkagulo ang may 30 pasahero nito kaya nag-unahan sa pagbaba na ang iba ay tumalon na lamang sa bintana.

 Tinangkang apulahin ang apoy nina Daguiso at ng konduktor nito gamit ang kanilang fire extinguisher ngunit hindi na kinaya ang pagliyab.

 Naapula lamang ang apoy dakong alas-6:20 ng umaga nang rumesponde ang mga bumbero buhat sa pamunuan ng Skyway Management at galing sa Villamor Airbase. Nagdulot ng matinding pagsisikip sa daloy ng trapiko sa SLEX ang insidente.

Hawak na ng PNP-Highway Patrol Group si Daguiso upang isailalim sa imbestigasyon habang inaalam rin kung may pananagutan ang kumpanya ng naturang bus.

 

Show comments