MANILA, Philippines - Isang uri ng bomba ang narekober ng mga otoridad sa harap ng munisipyo ng Shariff Aguak, Maguindanao kamakalawa ng gabi.
Ayon kay Maguindanao Provincial Police Office (PPO) Director P/Sr. Supt. Rodelio Jocson, pasado alas-8:00 ng gabi nang masilat ng kanyang mga tauhan ang isang Improvised Explosive Device (IED) sa lugar bago pa man ito tuluyang sumabog at makasakit ng mga sibilyan.
Nabatid kay Jocson na isang sibilyan ang nagreport sa mga otoridad hinggil sa kahinahinalang bagay na inabandona sa harapan ng munisipyo kung kaya’t agad itong nirespondehan ng mga otoridad at ikinordon ang lugar matapos na makumpirmang isa itong bomba.
Matagumpay namang nai-detonate ang nasabing bomba ilang oras matapos na masamsam ng tropa ng pamahalaan ang arms cache ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at pagkakaaresto sa isa nitong miyembro sa bayan ng Rajah Buayan.
Pinaghihinalaang BIFF ang nag-iwan ng nasabing bomba.