Misis ng utak sa P12-B investment scam, timbog

MANILA, Philippines - Naaresto ng pulisya  matapos ang isang taon na pagtatago ang misis ng utak sa P12 bilyong payramiding investment scam  sa isang operas­yon sa San Fernando City, Pampanga.

Ang nasakoteng suspek ay kinilalang si Abigail Pendulas Amanlilio, misis ni Manuel Amanlilio, ang itinurong utak sa Aman Futures Group na nasangkot sa multi-bilyong investment scam.

Ang Aman Futures Group ay bumiktima ng tinatayang mahigit 15 mil­yon  katao sa Mindanao partikular na sa Pagadian City at Visayas Region noong nakalipas na taon.

Si Abigail ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest  sa kaso nitong syndicated estafa na inisyu ni Presiding Judge Alberto Quinto ng Branch 1, 12th Judicial Region RTC sa Iligan City, Lanao del Norte sa isang  operas­yon sa loob ng Party Place, San Fernando City.

Nagbalatkayo pa si Abigail na gumamit ng alyas na Azziah de Guzman at nagpatangos ng ilong sa pamamagitan ng “artificial nose” pero hindi ito nakalusot sa mga otoridad.

Sa kasalukuyan ay nakakulong na sa detention cell ng PRO 3 sa Camp Olivas, Pampanga ang suspek.

Magugunita na ang mister nitong si Manuel ay tumakas sa Pagadian City patungong Malaysia sa kainitan ng kontrobersyang kinasangkutan ng  nasabing pyramiding scam. matapos na mabuking ang kanilang modus operandi.

Show comments