20 minuto na hostage drama... Hostage taker napatay

MANILA, Philippines - Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang lalaki nang mabaril ng mga rumespondeng pulis matapos gawing hostage ang isang 14-anyos na dalagita sa naganap na 20 minutong hostage drama kamakalawa ng gabi sa Quezon City.

Ang suspek na napatay ay kinilala lamang ng kanyang dating amo na si alyas Edwin.

Batay sa ulat,  bago nang­yari ang insidente dakong alas-6:20 ng gabi sa intersection ng New York St., at E. Rodriguez St., Brgy. Immaculate Concepcion ay nagpunta ang suspek sa tindahan ni Juanita Timbal, 68, na matatagpuan sa Aurora Blvd., noong Sabado ng gabi upang makitulog. 

Dahil sa dating helper ni Timbal ang suspek ay pumayag ito na makitulog.

Subalit, hindi umano natulog ang suspek hanggang kinabukasan ay nag-iba na ang kilos nito na ikinabahala ni Timbal at humingi ito ng tulong sa barangay hall.

Nang makita ng suspek ang mga barangay ay bigla na lamang hinostage nito si Timbal, pero pinakawalan din nang mapakiusapan.

Nagtatakbo ang suspek sa tindahan ni Timbal at hinostage naman ang biktima na si Jhoanna Tipay, 14 na tinutukan ng patalim sa dibdib ay dumating ang mga tropa ng PS10 at isinagawa ang negosasyon.

Hindi pinakikinggan ng suspek ang negosasyon kaya’t tinangka nitong saksakin ang dalagita, dahilan para mapilitang barilin na ito ng mga pulis.

Nang muling tangkaing saksakin ay napilitan ang mga pulis na muli itong barilin at tinamaan sa dibdib.

 

Show comments