SUBIC, Zambales, Philippines - Nasawi ang isang welder ng Hanjin Heavy Industries and Construction Philippines matapos masunog ang kanyang katawan nang bumagsak sa kanya ang lusaw na bakal habang nagwewelÂding noong Huwebes ng hapon.
Ang biktima ay kinilalang si Randy Gascos, 29, ng Camiguin Island, isang fit-up welder sa nasabing kumpanya.
Nabatid na isinugod pa ang biktima sa Unihealth-Baypointe Hospital and Medical Center, subalit ito ay binawian din ng buhay kinabukasan.
Nabatid sa ulat ng grupo ng mga manggagawa sa Hanjin na nabagsakan ng nalulusaw na bakal ang cutting hose ng biktima na siyang naging sanhi ng biglang pag-apoy ng host. Ang apoy ay mabilis na kumalat sa biktima na agad ikinasunog ng maÂlaking bahagi ng kanyang katawan.
Ayon naman kay Edgar Allan Lobo, external affairs Manager ng Hanjin, namatay ang biktima dahil sa tindi ng pagkasunog ng katawan. Idinagdag pa ni Lobo na si Gacus ay empleyado ng Finback Corporation, isang subcontractor ng Hanjin Shipyard.
Magbibigay umano ng tulong pinansyal ang Finback sa pamilya ng biktima ayon na rin sa batas.
Si Gacos ang ika-37 manggagawa na namatay sa Hanjin mula noong 2008 ayon sa datos ng Department of Labor and Employment.