MANILA, Philippines - Nasa kritikal na kalagayan ang isang 33-anyos na lalaki nang saksakin ng kanyang kuya matapos na magtalo sa pagtatapon ng basura kahapon ng hapon sa Brgy.Kasangyangan, Zamboanga City.
Ang biktima ay kinilalang si Khadafy Lakibul ay kasalukuyang nilalapatan ng lunas sa Zamboanga City Medical Center sa tinamong malalim na sugat sa katawan partikular na sa kaniyang dibdib.
Pinaghahanap ang suspek na si Haber Lakibul, 45-anyos na mabilis na tumakas matapos ang krimen.
Sa ulat, bandang alas-4:00 ng hapon sa nabanggit na lugar ay nagkaroon ng pagtatalo ang mag-utol matapos na bumagsak sa kuwarto ng suspek ang basura ng itinapon umano ng biktima mula sa ikalawang palapag.
Habang nagtatalo ay kumuha ng patalim ang suspek at tinarakan ang biktima sa katawan at pagkatapos ay mabilis na tumakas.