Pintor bulagta sa boga

MANILA, Philippines - Bumulagta ang isang pintor matapos na barilin sa mukha ng hindi pa nakikilalang salarin na naganap sa Quezon City, kahapon ng madaling araw.

 Si Rogelio Ganate, 45, ng Brgy. Gulod, Novaliches ay agad na binawian ng buhay dahil sa tinamo nitong isang tama ng bala sa kaliwang mukha na naglagos sa likurang bahagi ng kanyang ulo.

Ayon kay PO3 Erickson Isidro, imbestigador, ang insidente ay naganap sa Virginia corner Paquita Sts., Brgy. Gulod, ganap na alas-5:15 ng madaling araw.

Sinabi ng testigong si Agnes Rupido, habang ang biktima ay nagkaka-kape sa lugar ng biglang sumulpot ang salarin na may bitbit ng baril at malapitang barilin sa mukha.

Nang bumagsak sa simento ang biktima ay mabilis na tumakbo ang suspek para sa kanyang pagtakas.

Hindi pa batid ng pulisya ang motibo ng krimen na ngayon ay nagsasagawa pa ng follow-up operation para madakip ang salarin.

Show comments