Bebot na kapwa minamahal pinagtalunan... Pulis inutas ng kabaro

MANILA, Philippines - Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang pulis nang pagbabarilin ng kabaro matapos na magtalo sa isang babae na kapwa nila minamahal na naganap kahapon sa Las Piñas City.

Ang nasawi ay kinilalang si PO1 Jhon Michael Dimalanta, 26, binata, nakatalaga sa Regional Public Safety Batallion ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) dahil sa mga tama ng bala ng kalibre .9mm  sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Agad na nadakip ang suspek na si  PO1 Rafael Espina, 26, nakatalaga rin sa nasabing opisina sa NCRPO.

Batay sa ulat, bago naganap ang krimen dakong ala-1:30 ng hapon sa harapan ng Mama Cita Store sa #17 Apollo V Extension, Moonwalk Village, Barangay Talon 5 ay pinuntahan ni PO1 Dimalanta  kasama ang isang kaanak na si Ruelo Dimalanta ang bahay ng  dating nobya na  si Mary Rose Aguilar, isang teacher upang humingi ng paumanhin at makipagbalikan.

Pagdating sa bahay ay naabutan ni PO1 Dimalanta  ang kabaro na si PO1 Espina na kasalukuyang nobyo ni Aguilar.

Nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawang pulis hanggang sa kainitan ng pagtatalo ay binunot ni PO1 Espina ang kanyang service firearm na .9mm at pinagbabaril ang biktima sa ibat ibang parte ng katawan.

Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na posibleng selos ang ugat ng pagtatalo ng dalawang pulis na nauwi sa pamamaril.

Show comments