Advance party ni Obama nasa Pinas na

MANILA, Philippines - Upang masimulan ang koordinasyon sa ipa­tutupad na mahigpit na seguridad kaugnay ng 2 day state visit ni United States (US) President Barack Obama sa dara­ting na Abril 28-29 ng taong ito ay nasa bansa na ang advance party na mga miyembro ng US Secret Service.

Ayon kay  Lt. Col. Ramon Zagala II, Chief ng AFP Public Affairs Office (AFP-PAO), umpisa pa noong Lunes nang magsimulang magdatingan ang mga miyembro ng US  Secret Service.

Ayon kay Zagala, ipa­tutupad ang ‘no fly zone’ sa palasyo ng Malacañang sa pagdating ng US President.

Bagaman wala namang namo-monitor na mga terror group na posibleng magtungo sa Metro Manila upang isa­botahe  ang pagbisita ni Obama ay nakaalerto na upang hindi maisahan ng mga kalaban ng batas.

Inihayag pa nito na depende sa rekomendasyon ng Presidential Security Group (PSG) na siyang mangunguna sa pangangalaga ng seguridad ni Obama kung magtataas ang AFP sa red alert status.

Inaasahang marami pa ang darating na US Secret Service personnel bago ang pagbisita ng US President upang maplantsa na ang protocol sa paghawak ng seguridad sa lider ng super power na bansa.

Show comments