MANILA, Philippines - Arestado sa serye ng operasyon ang 7 miyembro ng kidnap for ransom (KFR) gang sa isinagawang rescue operation sa isang dalaga na anak ng mayamang negosyante sa Tandag City, Surigao del Sur.
Isa sa 7 suspek ay kiÂnilalang si Alexander Bentoso, 44-anyos, may kasong murder at frustrated murder ng San Francisco, Agusan del Sur. Habang ang anim nitong kasama ay pansamantalang hindi muna pinangalanan.
Nabatid na ang mga suspek ay itinuturong nasa likod nang pagdukot noong nakalipas na linggo kay Susmita Saberon, 22-anyos, anak ng isang mayamang negosyante sa lalawigan.
Sa ulat ni CARAGA Police Spokesman Supt. Martin Gamba, unang nasakote si Bentoso noong Miyerkules Santo ng hapon matapos itong maaksidente habang lulan ng kulay itim na Honda XRM motorcycle sa Brgy. Mabua, Tandag City.
Dinala sa Adela Serra Ty Memorial Medical Center sa Tandag City si Bentoso at dito ay itiÂnurnover ng security guard sa mga traffic investigator ang bag nito na nadiskubreng naglalaman ng P30,500 cash.
Nang magsagawa nang beripikasyon ang pulisya ay natukoy na kabilang ang suspek sa dumukot kay Saberon at ang P30,500 cash na nakuha mula rito ay nag-match mula sa ransom na ibinayad ng pamilya ni Saberon sa mga kidnappers kapalit ng kalayaan nito.
Agad na nagsagawa ng follow-up operations ang mga otoridad nitong Huwebes Santo at Biyernes Santo na nagresulta sa pagkakadakip sa iba pang suspek sa iba’t ibang lugar sa Tandag City na nagresulta rin sa pagkakasagip kay Saberon.
Nasa maayos ng kondisyon si Saberon matapos itong masagip ng mga operatiba ng pulisya.