13 pulis sa Atimonan rubout, sinibak sa serbisyo

MANILA, Philippines - Kinumpirma kahapon ni Chief Supt. Reuben Theodore Sindac, Chief ng PNP–Public Information Office (PNP-PIO) ang pagpapatalsik sa serbisyo laban sa 20 pulis kabilang ang  kontrobersyal na si Sr. Supt. Hansel Marantan kaugnay ng rubout na ikinasawi ng 13 katao na ang isa rito ay ang hinihinalang big time gambling lord sa isang checkpoint sa Atimonan, Quezon  noong Enero ng nakalipas na taon.

Ito ay base sa ibi­nabang desisyon ng PNP-Internal Affairs Service (PNP-IAS) na nag-im­bestiga sa kontrobersiyal na kaso ng rubout sa Atimonan na kinasangkutan ng 20 miyembro ng PNP.

“Serious irregularity was committed  by the respondents in the conduct of duty”, pahayag ni Sindac base sa nilagdaang desisyon ni PNP Chief Director General Alan Purisima.

Bukod kay Marantan, dating Intelligence Chief ng Police Regional Office (PRO IVA), nagsilbing ground commander sa checkpoint ay kasama rin sa sinibak sina Supt.Ramon Balauag, dating Chief ng Intelligence ng Quezon Provincial Police Office (PPO); Sr. Inspector John Paulo Carracdeo, Chief Inspector Grant Gollod, Sr. Inspector Timoteo Orig, SPO3 Joselito de Guzman, SPO1 Claro Cataquiz Jr., SPO1 Arturo Sarmiento, PO3 Eduardo Oronan, Po2 Nelson Indal, PO2  Al Bhazar Jailani, PO1 Wryan Sardea at PO1 Rodel Talento.

Lima ang pinapapatawan ng isang ranggong demosyon na kinilalang sina Inspector Ferdinand Aguilar, Inspector Evaristo San Juan, PO3 Benedict Dimayuga, PO2 Ronnie Serdena at PO2 Esperdion Corpus Jr.

Habang dalawa naman ang pinatawan ng anim na buwang pagkakasuspinde na sina PO1 Allen Ayobo at PO1 Bernie de Leon na hindi na maibaba ng ranggo dahilan pawang bagitong mga pulis ang mga ito.

Magugunita na 13 biktima kabilang ang hinihinalang gambling lord na si Vic Siman at ang environmentalist na si Jun Lontok ang nasawi matapos pagbabarilin sa checkpoint nina Marantan noong Enero 6, 2013. 

Bagaman, iginiit nina Marantan na  lehitimong operasyon ang insidente na sinabi nitong shootout ay pinasubalian ito ng NBI na nagsagawa ng malalimang imbestigasyon sa kaso at ini­hayag na rubout ang nangyari.

 

Show comments