Hirit na TRO ni Cedric Lee, sinopla ng CA

MANILA, Philippines - Sinopla ng Court of Appeals (CA) ang hirit na Temporary Res­training Order (TRO) ng kampo ng negos­yanteng si Cedric Lee para sana mapatigil ang pagdinig ng DOJ sa kinakaharap na kasong serious illegal detention and grave coercion na sinampa ng actor/tv host na si Vhong Navarro.

Sa sinulat na desisyon ni CA Asso­ciate Justice Leoncia R. Dimagiba, ponente sa kaso, inatasan si Pro­secutor General Claro Arellano at iba pang respondent gaya ng panel of prosecutors at NBI na magsumite ng paliwanag sa petition at supplemental petition ng grupo ni Cedric Lee sa loob ng sampung araw.

Kabilang sa mga pumabor sa  resolution ay sina Associate Justices Ricardo Rosario at Mario Lopez.

 Noong nakaraang linggo, idinulog na ng DOJ sa Taguig City Regional Trial Court ang kasong serious illegal detention and grave coercion laban kina Lee at Deniece Cornejo, kasama ang limang iba pang res­pondent sa asunto.

 Sa pinagsamang-reso­lution na may petsang April 4, 2014 na inaprubahan ni Pro­secutor General at linag­daan nina Assistant State Prosecutors Olivia Torrevillas, Hazel Decena-Valdez at Mari Elvira Herrera, na nag-imbestiga sa kaso, mayroong  pro­­­ba­ble cause upang isulong sa korte ang kaso laban sa pitong respondent.

 Bukod kina Cedric Lee at Cornejo, dawit din sa kasong serious illegal detention and grave coercion sina Bernice Lee, Simeon Raz, Jose Paolo Calma, Ferdinand Guerrero at Jed Fernandez.

 Sinabi ng panel na kumpleto ang tatlong element ng krimen na inihain ni Navarro kabilang na rito ang pagkakait sa kanya ng kalayaan at pananakit.

 

Show comments