Nene patay sa baril ng kuya
MANILA, Philippines - Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang 8-anyos na batang babae matapos na aksidenteng tamaan ng bala ng baril na pinaputok ng kanyang kuya para sana sa kaaway nito kamakalawa sa bakuran ng kanilang bahay sa Brgy. Del Pilar, Cabadbaran City, Agusan del Norte.
Ang nasawi ay kinilalang si Lyka Latunan Ga-an. Habang ang suspek na half brother nito ay kinilalang si Armando Latunan, 38.
Batay sa ulat, dakong alas-5:00 ng hapon ay kasalukuyang naglalaro ang biktima sa kanilang bakuran na matatagpuan sa Sitio Pirada, Brgy. del Pilar nang dumating ang isang Delio Guy-an at hinahanap si Armando.
Nang magkita ang dalawa ay nagkaroon ang mga ito ng mainitang pagtatalo hanggang sa bumunot ng baril si Armando at pinaputukan nang sunud-sunod sa direksyon ni Guy-an na kaaway nito.
Subalit, sa kamalasan ay sumablay ito at sa halip ay sa nakababatang kapatid nito sumapul ang mga bala ng pinaputok niyang baril.
- Latest