MANILA, Philippines - Nasa 10 Abu Sayyaf Group (ASG) at dalawang sundalo ang naiulat na napatay habang 29 sundalo ang nasugatan sa naganap na strike operations ng tropa ng militar laban sa bandidong grupo sa hangganan ng Tipo Tipo at Ungkaya Pukan, Basilan.
Inihayag ni Captain Jefferson Mamauag, Spokesman ng Army’s 1st Infantry Division (ID), sa 10 Abu Sayyaf na napatay ang pito rito ay mga tauhan ni Commander Furuji Indama na inilibing na ng grupo nitong Sabado ng umaga sa Brgy. Baguindan sa Ungkaya Pukan. Habang ang tatlo ay mula naman sa grupo ni Abu Sayyaf Sub-Commander Hamsa Sapantun na kinilalang sina Assi Kalitot at Basri Musa.
Nalagasan rin ng dalawang sundalo ang tropa ng militar habang patuloy namang nilalapatan ng lunas sa pagamutan ang mga nasugatan kabilang ang apat na nasa malubhang kalagayan.
Sa ulat, bandang alas-2:25 ng madaling araw kamakalawa nang makasagupa ng 3rd Scout Ranger Battalion at 18th Infantry Battalion (IB) sa ilalim ng Army’s 104th Infantry Brigade (IB) ang grupo ng mga bandido sa Sitio Pansul, Brgy. Silongkum, Tipo-Tipo at nasundan ang bakbakan dakong alas-7:25 naman ng umaga ng muÂling nakasagupa ng mga sundalo ang nasa 60 Abu Sayyaf sa pamumuno nina Basir Kaguran at Nurhassan Jamiri at Isnilon Hapilon sa Brgy. Baguindan, Ungkaya Pukan ng naturang probinsiya.
Tumagal ng hanggang 6:30 ng gabi ang bakbakan habang patuloy ang crackdown opeÂration ng tropa ng militar laban sa grupo ng Abu Sayyaf na sangkot sa serye ng kidnapping for ransom kabilang ang pagbihag kay Sabrina Voon Ikbala na pamangkin ni dating ARMM Police Director ret. P/Chief Supt. Sukarno Ikbala.