MANILA, Philippines - Inatado nang saksak ng isang ex-convict ang isang 27-anyos na ginang na walong buwang buntis kahapon ng madaling-araw sa Tondo, Maynila.
Ang biktima na namatay habang ginagamot sa Tondo Medical Center ay kinilalang si Rochelle Bautista maging ang anak niya sa kanyang sinapupunan sanhi ng mga saksak sa dibdib at likurang bahagi ng katawan.
Ang suspek na tumakas ay kinilalang si Rolito Morallos, 32, ng 221 Sta. Catalina St., Tondo, Maynila.
Sa ulat, dakong alas-4:00 ng madaling araw nang pagsasaksakin ang biktima sa harapan ng kanyang bahay at tinigilan lang ang pananaksak nang ito ay sigawan ng kapitbahay ng biktima na itigil na ang pananaksak at tumakas ito sa direksiyon ng Sta. Catalina.
Ayon sa pulisya, droga ang tinitignang motibo sa pagpatay sa biktima dahil may nakuha sa loob ng bra nito ng dalawang piraso ng hinihinalang shabu.
Ayaw naman kumpirmahin ng pulisya kung nagbebenta o gumagamit ng shabu ang biktima na naipasa lang ng kanyang dating asawa ang gawaing illegal matapos na mapatay din ito sa droga.
Nabatid din na apat na taon nang nakulong ang suspek sa National Bilibid Prison (NBP) sa kasong assault upon person of authority at frustrated murder at nakalaya lamang ito noong Enero 14, 2014.