7 tiklo sa droga palit sex

MANILA, Philippines - Pitong katao kabilang ang tatlong babae ang nadakip ng mga otoridad habang nagsasagawa ng pot session at pagkatapos ay sex orgy sa isang bahay sa Valenzuela City kamakalawa ng gabi.

Ang mga nadakip na ipinagharap ng kasong paglabag sa Dangerous Drugs Act of 2002 ay kinilalang sina Jeffrey Sarmiento, Michael Dizon, Alvin Gonzales, Johnny Young, Fer­nena Hembra, Roxanne Zuñiga at Julie Ann Rubis, pawang mga residente sa nasabing lungsod na biniberepika pa ang totoong edad lalo ng mga babae.

Batay sa ulat, dakong alas-7:00 ng gabi nang madakip ang mga suspek sa isang bahay sa may A. Pablo Street, Brgy. Karuhatan sa lungsod.

Bago ang pagsalakay ay matagal na umanong isinasailalim sa surveillance operation ng pulisya ang naturang lugar dahil sa ulat ng talamak na bentahan ng iligal na droga at ginagamit na drug den ang naturang bahay. 

Sanhi upang magkasa ng operasyon ang mga tauhan ng Station Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Group at dito ay nahuli sa akto ng mga otoridad ang pito katao sa gitna ng pot session. 

Nakumpiska rin ang apat na pakete na hinihinalang naglalaman ng shabu at mga paraphernalia.

May ulat rin natatanggap ang pulisya na palagi ring may nagaganap na sex orgy sa naturang bahay na nakumpirma sa pagkakadakip sa tatlong babae na hinihinalang pinaiiskor ng iligal na droga bago gamitin sa palit-palitang pagkiki­pagtalik.

Show comments