MANILA, Philippines - Huwag dalhin at ipagamot sa mga albularyo ang sino man na nakagat ng aso na may taglay na rabies.
Ito ang payo ng mga beterinaryo ng Valenzuela Health Office makapagtala ang lungsod ng 6,795 kaso ng kagat ng hayop sa kabuuang 2013. Nasa 4,915 o 72 porsyento nito ay kagat ng aso habang 1,809 o 27 porsyento ay kagat ng pusa. Ang natitirang porsyento ay kagat ng ibang hayop tulad ng unggoy at daga.
Nasa 3,793 sa naturang mga kaso ay nasa edad 15-anyos pababa ang mga biktima habang 3,002 ay higit 15-anyos pataas.
Ngayong 2014, dalawa na ang naitala na nasawi na kapwa may edad 50-pataas dahil sa rabies. Ito ang kauna-unahang kaso ng pagkamatay dahil sa rabies sa lungsod mula noong taong 2011.
Ayon kay Dr. Matty Torres, ng Valenzuela Animal Bite Center, huwag dapat paniwalaan ang matandang paniniwala na nakakagaling ang paglalagay ng bawang sa sugat buhat sa kagat ng hayop. Mas makakasama pa umano ito dahil sa masusunog ng kemikal ng bawang ang balat ng tao.
Iwasan din umano na magtungo sa mga albularyo na nagsasagawa ng kakaibang uri ng panggagamot na tinatawag na “tandok at tawakâ€. Sa tandok, nilalagyan ng albularyo ng piraso ng sungay ng usa ang sugat na pinaniniwalaang pinalalabas ang rabies habang sa “tawakâ€, hinihiwa ang sugat ng blade at sinisipsip ang rabies palabas.
Sa dalawang paraan, maaaring magkaroon ng tetanus ang pasyente dahil sa “clostridium bacteria†na makukuha sa laway ng tao, dumi ng hayop at lupa.
Sinabi ni Dr. Torres na pinakamabisa pa rin na linisin ang sugat gamit ang sabon at umaagos na tubig at agad na magtungo sa hospital para mabigyan ng anti-biotics, anti-tetanus at anti-rabies na bakuna.
Kailangan ding obserbahan ang nakakagat na hayop sa loob ng dalawang linggo. Kapag namatay ito, naÂngangahulugan na may rabies ito at nararapat na dalhin ang labi nito sa City Veterinary Services Office (DVSO) upang maeksamin.