MANILA, Philippines - Nawalan ng tahanan ang may 50 pamilya sa sunog na naganap sa isang barangay sa Quezon City, kahapon ng madaling araw.
Sa inisyal na ulat ng Bureau of Fire Protection, ang sunog ay naganap sa San Simon St., Brgy. Holy Spirit, ganap na alas-5:12 ng madaÂling araw.
Hindi pa batid ng BFP kung saang bahay nagsimula ang apoy dahil halos dikit-dikit ang naturang kabahayan sa lugar.
Mabilis na kumalat ang apoy dahil sa pawang gawa sa light materials ang nasabing mga tahanan.
Isang residente na nakilala sa pangalang Domingo Dela Cruz ang iniulat na nasugatan sa kamay habang tumutulong sa pag-apula ng apoy.
Umabot sa ika-apat na alarma ang sunog, bago tuluyang naapula ito ganap na alas-6:25 ng umaga.
Nagsasagawa pa ang masusing imbestigasyon ang mga tauhan ng arson investigators upang matukoy ang ugat at halaga ng napinsala sa nasabing sunog.