MANILA, Philippines - Namatay noon din ang isang lalaki na nag-aaplay para maging pulis matapos na masalpok habang nagmomotorsiklo ng isang jeep na may kargang gulay kahapon ng madaling-araw sa kanto ng Remedios at San Marcelino Sts. sa Paco, Maynila.
Ang nasawi ay kinilalang si Dave Robert Ilopitan, na nadatnan ng mga otoridad na nakasubsob at duguan sa gitna ng kalye.
Sa nakuhang impormasyon, dakong alas-2:00 ng madaling-araw nang masalpok ang biktima habang nagmomotor ng hindi naplakahang dyip at sumadsad ito sa bangketa sa nasabing kalye.
Nabatid na galing umano sa isang padasal sa Poong Nazareno sa J. Bocobo St. ang biktima at ilang kaibigan at habang papauwi nang maganap ang aksidente.
Ayon sa kuwento ng ilang kaibigan na nagbibiro at masaya pa si Ilopitan habang sila ay magkakasama at matapos umanong mag-rosaryo ay nagpaalam nang uuwi kaya’t nagulat na lamang sila nang mabalitaan ang pagkamatay nito.