MANILA, Philippines - Matapos paputukan ng ‘water canon’ ng China Coast Guard ang mangingisdang Pinoy sa Scarborough Shoal may isang buwan na ang nakakalipas ay muli itong naulit nang itaboy naman ang dalawang barko ng Philippine Navy habang patungo sa Ayungin Shoal sa pinag-aagawang teritoryo sa Spratly Island, Palawan.
Kinumpirma ni Dr. Peter Paul Galvez, Spokesman ng Department of National Defense ang insidente na naganap noong Marso 9 na ipinangalandakan naman kahapon ng China.
Tumanggi na si Galvez na magbigay pa ng kaukulang detalye sa panibagong pambu-bully ng China sa pagsasabing isinumite na nila ang report sa insidente sa Department of Foreign Affairs (DFA) para sa kaukulang aksyon.
Sa panig ni Defense Secretary Voltaire Gazmin, sinabi nito na ang DFA na ang bahalang magsumite ng diplomatic protest laban sa China sa nasabing insidente.