Magkapatid iginanti ang pinatay na kaanak... ulo tagpas sa resbak

MANILA, Philippines - Pinagtulungang saksakin at pugutan ng ulo ng magkapatid ang isa nilang kainuman sa gitna ng mainitang pagtatalo sa bayan ng San Jose, Antique.

Ang nasawing biktima ay kinilalang si Julius Mistas, nasa hustong gulang at residente ng San Remegio, Antique.

Tumakas naman ang magkapatid na kinilalang sina Roberto, 27 at Imbo Ymon, 23.

Sa ulat, bago nangyari ang krimen dakong alas-7:30 ng gabi ay inimbitahan ng magkapatid ang  biktima na mag-inuman ng alak.

Matapos ang ilang oras na inuman at kapwa lasing na ay nagkaroon ang mga ito ng mainitang pagtatalo sa hindi pa malaman na kadahilanan.

Dito ay bigla na lamang bumunot ng patalim ang isa sa mga suspek habang ang isa naman ay kinuha ang nakasukbit niyang itak saka pinagsasaksak at pinagtataga ang biktima.

Nang mapatay ng magkapatid ang biktima ay hindi pa nakuntento ang mga ito at  pinugutan pa nila ng ulo ang biktima saka itinapon may anim na metro ang layo sa katawan nito.

Nabatid na planado ang pagpatay sa biktima ng magkapatid dahil sa may matagal nang alitan ang mga ito na inakala ng una ay kinalimutan na ng magkapatid.

Bukod dito ay sinisilip rin ang anggulo ng paghihiganti matapos na mapaslang din umano ng biktima ang isa sa mga kaanak ng mga suspek.

 

Show comments