AFP nagsagawa ng search and rescue sa nawawalang Malaysian plane
MANILA, Philippines - Tumulong ang Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa search and rescue operation sa nawawalang Malaysian Airlines kahapon.
Ayon kay AFP Public Affairs Office (AFP-PAO) Chief Lt. Col. Ramon Zagala, alinsunod sa direktiba ni AFP Chief of Staff Gen. Emmanuel Bautista ay nakiisa ang tropa ng pamahalaan para hanapin ang nawawalang Boeing 777 Malaysian Airline flight MH370.
Kaya’t minobilisa ng Phil. Navy ang kanilang naval assets kabilang ang BRP del Pilar (PF 15), BRP Jacinto (PS35) at BRP Mabini (PS 36) sa karagatan ng Palawan.
Pinakilos na rin ang mga surveillance plane ng Philippine Air Force (PAF) para magsagawa ng search operations sa West Philippine Sea.
Ang Boeing 777 Malaysian Airlines MH 370 na may lulang 239 pasahero at crew nito ay nag-take off sa Kuala Lumpur dakong alas-12:30 ng madaling-araw kahapon.
Gayunman nawalan ng kontak sa eroplano bandang alas-2:40 ng madaling-araw kung saan pinaniniwalaang nasa pagitan ng Vietnam at West Philippine Sea napadpad ang nasabing eroplano.
Inihayag ng opisyal na agad silang naglunsad ng search operation matapos ipabatid ng pamahalaan ng Malaysia sa mga opisyal ng pamahalaan na nawawala sa pagitan ng karagatan ng Pilipinas at Vietnam ang nasabing eroplano.
Inaasahan sana ang paglapag ng eroplano sa Beijing, China dakong alas-12:41 ng madaling-araw nang mawala ito.
Kabilang naman sa mga sakay ng eroplano ay mga mamamayan ng mga bansang China, Malaysia, Indonesia, Australia, France,US, New Zealand, Ukraine, Canada, Russia, Italy, Taiwan, The Netherlands at Austria.
- Latest