Kasambahay kulong, nakipag-sabwatan sa dugo-dugo gang

MANILA, Philippines - Kalaboso ang 51-anyos na katulong dahil sa  umano’y pagbibigay ng mga importanteng gamit ng kanyang amo sa miyembro ng Dugo-dugo gang sa lungsod Quezon.

Si Catalina Ordono ay kinasuhan ng qualified theft base sa reklamo ng kanyang among si  Martha Manzana, 75, na natangayan ng may P1.3 million cash at alahas, passports  at ID’s.

Si Ordono ay isinalang na sa inquest proceedings sa Quezon City prosecutor’s office, kung saan inaprubahan ni inquest fiscal Ronald Torrijos ang pagsasampa ng kasong qualified theft at hindi binigyan ng pagkakataon na makapagpiyansa.

Ayon sa imbestigasyon, umalis si Manzana sa kanyang bahay sa Barangay Laging Handa noong Miyerkules ng umaga para dumalo sa isang pagpupulong ng mga kasamahan sa simbahan. Iniwan din nito ang master’s bedroom na naka-lock.

Ganap na alas 4:30 ng hapon, nakatanggap si Ordono ng tawag mula sa isang babae na nagsabing ang kanyang amo ay nasangkot sa isang vehicular accident at nangangailangan ng pera, kaya naman puwersahan nitong binuksan ang kuwarto ng amo batay na rin sa utos ng caller.

Agad din dinala ng nasabing katulong  ang mga importanteng gamit ng biktima sa SM Manila  at ibi­nigay sa mga suspects. Matapos nito’y nagtungo si Ordono sa security office ng mall at ini-report na siya ay naloko. Mabilis naman nai-turn-over ng security ng mall si Ordono sa presinto sa Quirino Grandstand at dito ipina-blotter.

Dito na nagkabistuhan na nakipagsabwatan si Ordono sa mga suspects kaya naman agad na ipinadakip sa mga tropa ng Quezon City Police District – Criminal Investigation and Detection Unit.

 

Show comments