MANILA, Philippines - Kinondena ng mga mamamahayag na nagko-cover sa Southern Police District (SPD) ang ipinatutupad na news blackout sa hindi pagbibigay ng impormasyon ukol sa mga nangyayaring krimen sa mga lungsod ng nasasakupang distrito.
Itinuro ng SPD-Public Information Office (PIO) ang kanilang director na si Chief Supt. Jose Erwin Villacorte, na nagbigay ng direktiba na hindi puwedeng mag-release ng mga spot report sa mga reporter sa kabila na ito ay itinuturing na public documents.
Ayon kay Andy Verde ng DZRH at pangulo ng Progressive Tr-Media of Southern Metro Manila, maituturing na isang uri ng paninikil sa malayang pamamahayag ang ginagawa ng pamunuan ng SPDO gayung maituturing na public record ang spot report dahil dito rin kinukuha ng pulisya ang itinatala nila sa blotter na bukas para sa publiko.
Anya mali ang interpretasyon ng pamunuan ng SPD sa inilabas na direktiba ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Alan Purisima kaugnay sa pagbabawal sa mga imbestigador na magbigay ng impormasyon kaugnay sa hinahawakan nilang kaso sa mga miyembro ng media.
Ayon kay Verde, malinaw sa kautusan ni Purisima na ang sariling opinyon at binabalangkas pa lamang na impormasyon ang hindi pwedeng ipagkaloob sa mga miyembro ng media at hindi ang spot report kaugnay sa nangyaring krimen sa isang lungsod.
Hiniling ng mga miyembro ng media kay Purisima na linawin sa pamunuan ng SPD ang kanyang direktiba upang mabuksan ang kaisipan ng mga kapulisan sa naturang distrito kung ano ang dapat at hindi dapat na ibigay na impormasyon sa mga media upang mawala ang hinala na ang pamunuan lang ng SPD ang gumagawa ng paraan para sikilin ang malayang pamamahayag.