MANILA, Philippines - Bagama’t nagawang maligtasan ng isang mayor ang pag-ambush sa kanya ng mga hindi pa kilalang suspek ay hindi naman nito naligtasan ang atake sa puso ilang oras pagkaraang isugod sa pagamutan naganap kamakalawa ng gabi sa bayan ng Sarangani.
Ang nasawing biktima ay kinilalang si Sarangani, Maitum Mayor George Perrett, kapartido ni Pambansang Kamao Manny “Pacman†Pacquiao sa People’s Champ Movement noong 2013 elections.
Lumalabas sa imbestigasyon, dakong alas-10:30 ng gabi ay kagagaling lang ng biktima sa Sarangani, nang pagbabarilin sa kahabaan ng national highway ng Brgy. Malalag, Maitum bandang alas-10:30 ng gabi.
Ayon sa imbestigasyon kagagaling lamang ng biktima sa isang kasiyahan sa gymnasium ng kanilang bayan at pauwi na kasama ang kaniyang misis at sekretarya.
Habang minamaneho ng biktima ang kanilang sasakyan nang pagbabarilin ng mga suspek na pawang armado ng kalibre 45 pagsapit sa lugar.
Nagtamo ng isang tama ng bala sa kaliwang hita ang biktima na hindi naman malubha at mabilis na isinugod sa pagamutan para malapatan ng lunas.
Bigla na lamang itong dumaing nang paninikip ng dibdib at binawian ng buhay kahapon ng alas-3:30 ng madaling-araw.
Kinumpirma naman ng mga doktor na inatake sa puso ang biktima.