MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang biktima ng ‘summary execution’ ang nahukay na apat na kalansay at bungo sa mass grave ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa Brgy. Malabog, Paquibato District, Davao City kamakalawa.
Isang rebel returnee na itinago sa pangalang Ka Diego ang nagturo sa tropa ng Army’s 69th Infantry Battalion (IB) sa kinaroroonan ng nasabing mass grave at dito ay nahukay ang apat na bungo at kalansay ng tao na nakabalot pa sa kumot, malong at nasa duyan.
Ayon kay Ka Diego ang mga nahukay ay dating kasamahan na kinilalang sina Ka Lolong, Ka Pogi, Ka Allan at misis nito na pawang miyembro ng NPA Guerilla Front 56 na mga taga Talaingod, Davao del Norte.
Ibinulgar naman ni Ka Diego na ang kaniyang mga kasamahan ay pinaslang noong 2012 sa hinalang nagtra-traydor sa kilusang komunista.
Agad namang pinabasbasan ng tropa ng militar sa pari ang nasabing mga kalansay at buto bago ang mga ito itinurnover sa kustodya ng PNP Crime Laboratory para sa kaukulang imbestigasyon at disposisyon.