MANILA, Philippines - Inabswelto ni DOST Sec. Mario Montejo si TESDA director-general Joel Villanueva kaugnay sa PDAF scam kung saan ay inilagay nito ang kanyang pork barrel sa Technology Resource Center (TRC).
Magugunita na idinawit ni ex-TRC chief Dennis Cunanan si Villanueva noong CIBAC parytlist representative pa ito na kabilang sa mga kongresista na naglaan ng PDAF sa TRC para sa non-government organization ni Janet Lim-Napoles.
Ayon kay Montejo, na batay sa record ng TRC ay na-liquidate ni Villanueva mula 2007-2009 ang mga PDAF na inilagay nito.
Sa affidavit ni Cunanan sa Department of Justice (DOJ) ay umabot umano sa P3 milyon ang sinabing inilagak ni Villanueva sa TRC para sa NGO ni Napoles.
Nasa ilalim ng pangangasiwa ng Department of Science and Technology (DOST) ang TRC na dating pinamumunuan ni Cunanan.
Magugunita na iginiit ng Malacañang na nananatili pa din ang trust and confidence ni Pangulong Benigno Aquino III kay Villanueva.