Truck holiday tigil muna

‘Back to normal’ na ang operation ng mga truckers sa Maynila makaraang itigil na muna ang kanilang ‘truck holiday’ at pansamantalang sumunod sa ordinansa na ipinatupad ni Manila Mayor Joseph Estrada. -EDD GUMBAN-

MANILA, Philippines - Tigil muna ang truck holiday sa halip ay mu­ling maglalabasan sa kalsada ng Maynila ang mga malala­king truck para maghatid ng kargamento.

Pero naninindigan pa rin ang grupo ng mga  trucker na dapat ibalik sa kanila ang 24-7 na truck lane sa Maynila.

Sinabi ni Integrated North Truckers Association President Teddy Gervacio, kanilang susubukang pakiusap ni Manila Mayor Joseph Estrada na sumunod muna sa daytime truck ban.

Subalit sa hiwalay na pahayag ni Abraham Rebao, director ng Aduana Business Club, hindi sila susunod sa ‘daytime window’ na ipinatutupad sa Maynila at sa halip ay 24 oras silang magbibiyahe dahil hindi rin naman tumupad sa  naging kasunduan na nabuo sa meeting nila nitong Miyerkules sa harap ni Cabinet Secretary Rene Almendras.

“We met last night at Philippine Ports Autho­rity (PPA) headquarters and it was agreed that Mayor Erap will allow 24 hours for export and import trucking,”pahayag ni  Rebao.

Kinontra naman ito sa Tweet message ni Manila Vice Mayor Isko Moreno na nagsabing hindi pa ibi­nabasura ang ‘daytime window’.

 Paliwanag ni Rebao, ang pagkansela nila sa tigil-biyahe ay hanggang 3 araw lamang din at sa layunin na mabawasan ang tambak na shipping containers sa Manila Ports na umabot na sa critical level dahil sa 3-araw na truck holiday na nagsimula noong Lunes at may 7,000 truck din ang nakatengga lang.

Ayon kay Gervacio, pagkalipas ng tatlong araw na masubukan ang daytime window ay muli silang makikipagpulong sa alkalde kasama ang ibang grupo ng trucker para mailahad ang resulta ng pagsubok sa daytime truck ban.

 

Show comments