MANILA, Philippines - Kung hindi agad napansin kamakalawa ay posibleng maraÂming nagbuwis ng buhay na mga deboto matapos na ginawang kampana ng simbahan ang zz napulot na vintage bomb sa bayan ng Magallanes, Agusan del Norte.
Sa ulat, bandang alas-11:30 ng umaga nang madiskubre ang vintage bomb na 155 MM na ginawang kampana sa Senior San Isidro Labrador Chapel sa Brgy. Caloc-an, Magallanes ng lalawigan.
Sa imbestigasyon, napulot ng kampanero ang vintage bomb sa pag-aakalang isa lamang uri ng may hugis na bakal na isinabit nito at ginawang improvised na kampana.
Maging ang mga deboto ay hindi rin batid na vintage bomb ang ginawang kampana sa kanilang simbahan at napansin lang ito ng isang residente na pamilyar sa mga bomba matapos na gumuho ang isang bahagi ng pader ng chapel.
Mabilis na nagÂresponde ang mga opeÂratiba ng Explosives Ordnance Division Unit ng 13th Regional Public Safety Battalion at nakumpirmang bomba ang ginawang improvised na kampana ng simbahan.
Nasa kustodya na ng pulisya ang narekober na vintage bomb para sa kaukulang disposisyon.