MANILA, Philippines - Nasawi ang 7 pinaghihinalaang drug pusher habang 3 otoridad ang nasugatan nang magkaroon ng shootout matapos salakayin ang isang shabu tiangge kahapon ng umaga sa Brgy. Ilang, Davao City.
Batay sa ulat, dakong alas-5:00 ng umaga ay dala ng mga otoridad mula sa Davao City Police, Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang 26 search warrant para suyurin ang isang compound ng Muslim Village mula Block 1-9 ng Brgy. Ilang dahil sa ulat na dito ay may shabu tiangge o drug den.
Papasok pa lamang sa nasabing compound ang mga operatiba ay bigla na lamang silang pinaulanan ng bala ng mga suspek na nagtatago sa ilang mga kabahayan na nagsisilbing drug den.
Kaya’t nagkaroon ng palitan ng putok sa pagitan ng mga alagad ng batas at ng mga drug suspects at dito ay nasawi ang 7 na drug pusher habang dalawang pulis at isang PDEA ang nasugatan.
Isa rito ay bahagya lamang ang tinamong pinsala sa katawan dahilan nakasuot ng bullet proof vest habang ang isa pang pulis ay nasuÂgatan at nagtamo ng galos nang mahulog sa tubig sa nangyaring habulan at putukan.
Umaabot naman sa 36 drug suspect ang naaresto kabilang ang isang 14 anyos na binatilyo at ilan ay kinilalang sina Jimmy Jimlani Lapasaran alyas Boogie, Feliz Maujin alyas Feliz; pawang mga notoryus na drug peddlers sa lungsod.
Nakasamsam din ng13 sari-saring mga armas ilan dito ay cal. 45 pistol, isang cal 38 revolver, dalawang .22 caliber revolver, fragmentation grenade, 31 sachets ng shabu at mga drug paraphernalias.
Bago ang raid ay nakatanggap ng report ang mga otoridad hinggil sa talamak na bentahan ng droga sa nasabing Muslim compound kung saan nakumpirmang maraming sangkot dito.