4 utas sa clan war

MANILA, Philippines - Niratrat ng hindi pa kilalang mga suspek ang isang sasakyan na ikinasawi ng apat katao na kinabibilangan ng isang mag-aama sa naganap na ambush kamakalawa sa Brgy. Bohetambak, Tipo-Tipo, Basilan.

Ang mga nasawi ay kinilalang sina Kasayun Piskalin, barangay kagawad,at isang CAFGU; dalawa nitong anak na sina Hussin at Wahid Piskalin at isa pang hindi natukoy na pangalan.

Nasugatan naman ang   isang Commander Mongon Agama.

Batay sa ulat,dakong alas-3:15 ng hapon ay kasalukuyang lulan ang mga biktima ng kanilang behikulo at bumabagtas sa highway ng Brgy. Bohelebbung, Tipo-Tipo, Basilan nang paulanan ng grupo ng isang tinukoy sa pangalang Commander Basir.

Agad na nasawi ang apat na biktima mula sa grupo ni Commander Agama kabilang ang naturang mag-aama nang matadtad ng mga bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Ang grupo nina Commander Agama at Basir ay pawang mula sa mga lawless elements na magkalaban umano sa lalawigan ng Basilan.

Sinisilip ng mga otoridad ang motibo nang pana­nambang ay rido o clan war.

Nakaalerto ang mga ele­mento ng pulisya at militar sa posibleng resbak ng magkaaway na angkan.

Show comments