7 menor nasagip sa cybersex den

MANILA, Philippines - Pitong menor de edad ang nasagip ng mga ope­ratiba ng PNP-Anti-Cybercrime Group-Regional Digital Forensic Laboratory-Region 11 na naaktuhang nagsasayaw ng hubo’t hubad sa harap ng webcam habang   dalawa ring ope­rator ng cybersex den ang nadakip kamakalawa sa Davao City.

Ang mga nasakoteng suspek ay kinilalang sina April Lyn Sinasap alyas April, 24, at Kristine Abaro-Sinasap, 30.

Batay sa ulat, sinalakay ng mga otoridad  ang room #3 ng isang apartment na matatagpuan sa 499, Purok 26, Brgy. Bucana sa loob ng compound premises ng Ecoland malapit sa Times Beach.

Sa pamamagitan ng search warrant na inisyu ni Judge Evalyn-Arellano-Morales, Presiding Judge ng Branch 17, 11th Judicial Region, Davao City ay sinalakay ang lugar na nagresulta sa pagkakasagip ng natu­rang mga kabataan na nagkakaedad mula 14, 15,16 at 17.

Nasamsam sa ope­rasyon ang mga laptop, Broadband SIM card, mobile phones, headphone, resibo mula sa Cebuana Lhuillier, sari-saring discs, mga bala ng cal.38 caliber at cash na nagkakahalaga ng P1,450.00 .

Isinailalim na sa kus­todya ng PNP-ACG-RDFL ang dalawang nasakoteng suspek na nahaharap sa kasong R.A. 9775 (An Act Defining the Crime of Child Pornography), R.A. 9208 (Anti Human Trafficking Act of 2003 ) at Article III , Section 5 at VI ng RA 7610 (Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act ).

 

Show comments