Misis, pinatay ng selosong mister

MANILA, Philippines - Isang misis ang pinagbabaril hanggang sa mapatay ng kanyang mister sa Brgy. Canduman, Mandaue City noong bisperas ng gabi sa pagdiriwang ng Araw ng mga Puso.

Kinilala ang nasawing ginang na si Degelia Dimpas, 50 anyos, residente ng Purok Mangga, Tayud, Liloan, Cebu.

Mabilis namang tumakas ang suspek na nakilalang si Luis Dimpas, walang hanapbuhay matapos ang insidente.

Sa ulat ng Mandaue City Police, nabatid na ang krimen ay naganap dakong alas-7:00 ng gabi ng puntahan ng suspek ang biktima at hinihingan ng pera.

Tumanggi umano ang  nasabing misis na bigyan ng pera ang kaniyang mister dahil uubusin lamang umano ito sa kanyang bisyo kaya nagalit ang selosong suspek.

Dahil doon ay binunot ng suspek ang hindi pa batid na kalibre ng baril saka ipinutok sa biktima na bagama’t sugatan sa unang putok ay nagawang makatakbo pero hinabol ng  suspek at nang abutan ay tuluyang tinapos ang buhay.

Madalas umanong magselos ang suspek dahil sa kanyang akala na may ibang lalaki ang biktima kaya ayaw nitong bigyan ng pera.

Nahaharap ngayon sa kasong parricide ang suspek na patuloy na tinutugis ng pulisya.

Show comments