MANILA, Philippines - Utas ang mag-ama makaraang ma-trap sa nanasunog nilang tahanan sa Caloocan City, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang mag-ama na sina Jackie Chan, 26-anyos at Jose Chan, 62, kapwa residente ng #104 Esguerra St., BaÂrangay 75 sa lungsod.
Sugatan naman sa naganap na sunog ang barangay tanod na si Ramil Teope, 31, naninirahan din sa naturang lugar na nagtamo ng mga paso sa kanang pisngi at kanang kamay dahil sa pagtatangka nitong tulungan ang mag-amang Chan.
Base sa isinagawang imbestigasyon ni FO2 Alvin Culianan ng Caloocan City, Fire Bureau, nabatid na ang sunog ay nagsimula dakong alas-4:47 ng hapon sa bahay ng mga biktima at mabilis na kumalat ang apoy.
Narekober ng mga bumbero ang sunog na katawan ng mag-amang Chan sa loob ng comfort room sa kanilang tahanan.
Umabot sa 4th alarm ang sunog at bandang alas-6:14 ng gabi nang tuluÂyang ideklarang fire-out ng mga kagawad ng pamatay sunog.
Sa ngayon ay nagsasagawa pa ng masusing imbestigasyon ang mga arson investigators upang matukoy ang pinagmulan ng sunog at tinatayang aabot sa P2 milyong halaga ng ari-arian ang naabo.
Nasa 90 pamilya naman ang nawalan ng tirahan makaraang madamay sa sunog ang kani-kanilang mga tahanan.
Samantala, nilamon din ng apoy ang anim na kabahayan sa J.P. Rizal Street, Barangay Tuktukan, Taguig City, kamakalawa ng hapon.
Nagsimula ang apoy pasado alas-4:00 ng hapon na umabot sa ikatlong alarma at naapula bandang alas-5:26 ng hapon. Iniimbestigahan pa rin ang sanhi at pinsala ng sunog at wala naman nasaktan sa insidente.