Pick-up bumaliktad: 1 patay, 16 sugatan

Bumaliktad ang Mitsubishi pick-up na ito na ikinasawi ng 1 lalaki habang nasa 16 ang nasugatan na naging dahilan nang buhol-buhol na trapiko sa southbound lane ng Cavitex sakop ng Las Piñas City kamakalawa ng gabi,- BENING BATUIGAS-

MANILA, Philippines - Isang pick-up ang bumaliktad sa southbound lane ng Cavite Expressway (Cavitex) na ikinasawi ng isang lalaki at pagkasugat ng 16 iba pa kamakalawa ng gabi sa Las Piñas City.

Walang nakuha na pagkakakilanlan sa nasawing lalaki na tinatayang nasa pagitan ng 50 hanggang 60-anyos.

Nasa 16 ang nasu­gatan kabilang ang isang Engr. Francisco Jiorgio Jr., kawani ng DPWH at driver ng bumaliktad na pick-up (SFY-198) pagkatapos mabali ang kaliwang braso.

Sa ulat ng Las Piñas City Traffic Bureau at pamunuan ng Cavitex, pasado alas-8:00 ng gabi nang maganap ang aksidente sa south bound lane na nasasakupan Las Piñas City.

Sa salaysay ni Jiorgio, papauwi na siya  kasama ang isang kasama sa trabaho nang bigla silang salubungin ng mga pasahero ng isang bus na nasangkot sa isang aksidente sa naturang lugar.


Nagulat na lamang ito nang puwersahang sumakay ang 20 pasahero mula sa nasabing bus sa minamaneho niyang pick-up at pag-angkas ng mga ito ay bumaliktad ito na naging dahilan ng aksidente.

Nagdulot naman ng mahabang trapiko ang nasabing aksidente.

Show comments