MANILA, Philippines - Tatlong magkakahiwalay na aksidente sa kalsada ang naiulat na kung saan ay nasawi ang tatlong katao kabilang isang 16-anyos na dalagita naganap sa Calamba City, lalawigan Laguna, Bacoor City, lalawigan ng Cavite at Navotas City.
Ang biktima na namatay noon din sa lugar ng pinangyarihan ay kinilalang si Abigail San Pablo, 16-anyos, ng PuÂting Lupa, Calamba City dahil sa mga grabeng sugat sa katawan.
Batay sa ulat, pasado alas-7:00 ng umaga nang magsalpukan ang magkakasunod na shuttle bus, 10-wheeler truck, pampasaherong jeep at tricycle sa direksyong patungo ng Calamba City mula Batangas.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, nawalan umano ng preno ang truck bunsod upang araruhin nito ang sinusundang jeep na dumiretso naman sa dalawa pang sasakyan at sa lakas ng banggaan ay nagtalsikan ang mga lulan ng jeepney kasama ang biktima na minalas namang maipit.
Isinugod sa pagamutan ang mga sugatang sina Filipina Benedicto, 33 ng Rosario, Batangas; Ma. Corazon Adarlo, 25 ng Batangas City; Christian Mendoza, 34 at Zenaida Gonzaga, 47; pawang ng Calamba City.
Ang driver ng truck na si Redulme Mosuela na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide and multiple physical injuries.
Nasawi habang nilalapatan ng lunas ang biktimang si RiÂchard Almanon, nasa hustong gulang matapos na masagasaan ng isang pampasaherong bus habang nagbibisekleta sa kahabaan ngAguinaldo Highway, Barangay Niog 2, Bacoor City kamakalawa ng alas-9:00 ng gabi.
Nabatid na nagbibiseklata ang biktima pauwi ng bahay nang biglang tumbukin at araruhin ng pampasaherong bus dahilan para ito ay tumilapon at una ang ulo na bumagsak sa kalsada.
Dead-on-the-spot naman si Domilno Biadnes, 61-anyos, ng R-10, Barangay North Bay Boulevard South. Navotas City matapos na ma-hit and run ng isang trailer truck habang papatawid kahapon.
Sa imbestigasyon ng Navotas City Traffic Bureau, naganap ang insidente alas-2:41 ng madaling-araw sa R-10 ng naturang barangay nang tumawid ang biktima at hindi namalayan ang mabilis na paparating na trailer truck na hindi naplakahan.
Nakita ng ilang residente na nagmenor ang truck, subalit nang mapansin na walang tao sa lugar ay humarurot ito para tumakas.