MANILA, Philippines - Nasa anim na umaÂno’y miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) ang napatay sa pakikipag-engkuwentro sa tropa ng pamahalaan sa Talipao, Sulu noong Sabado, ayon sa ulat ng militar.
Sinabi ni Col. Jose Johriel Cenabre, Commander ng 2nd Marine Brigade at Task Force Sulu, nakasagupa ng kanyang tropa at BPAT members ang tinatayang may 50 armadong bandido sa nasabing lugar dakong alas-10:30 ng umaga na pinamumunuan nina Sihata Latip at Abbraham Hamid sa bisinidad ng Barangay Mabahay.
Sa pakikipagpalitan ng putok ay anim na ASG bandido ang nasawi habang anim ang nasuÂgatan sa mga miyembro ng BPAT.
Ang mga nasugatang volunteers ay dinala sa ospital sa Zamboanga City para malapatan ng lunas.
Napaulat din na sugatan sa nasabing bakbakan sina Abu Sayyaf Commander Yasser Igasan at ASG Sub leader Rakib Gala alyas Tikboy at maraming kasamahan ng mga ito.
Nabatid na nagkuta sa lugar sina Igasan matapos namang abandonahin ng grupo ni Moro National Liberation Front (MNLF) Commander Habier Malik ang kanilang kampo.
Si Malik ay wanted sa batas kaugnay ng pamumuno sa madugong Zamboanga City siege noong Setyembre ng nakalipas na taon.