MANILA, Philippines - Nagsampa ng pormal na reklamo ang Taguig City Police sa Department of Justice laban sa security agency ng Forbeswood Heights Condominium kung saan naganap ang pambubugbog kay TV host/actor Vhong Navarro.
Isinumite ng Taguig City Police sa pangunguna ng kanilang hepe na si P/Sr. Supt. Arthur Felix Asis ang complaint affidavit dahil sa paglabag sa Republic Act 5487 o Private Security Agency Law at Presidential Decree 1829, obstruction of justice ng Megaforce Security Services.
Kabilang sa mga kinasuhan ay sina Roderick Garbin, chief security ng agency; mga sekyu na sina Jeffrey Veniegas; Romeo Nevado Jr.; Maximo Maregildo, Investigation head; at ilan pang John Does. 

Nakasaad sa reklamo ng Taguig City Police na nagkaroon ng paglabag ang security agency dahil hindi ito kaagad nakipag-ugnayan at nakipagtulungan hinggil sa insidente nang panggugulpi kay Navarro ng tropa nina Cedric Lee at Deniece Cornejo noong Enero 22.
Gayundin sa insidente na inaakusahan ni Cornejo si Navarro na tinangka umano siyang halayin nito na naganap din sa mismong condo unit.
Ayon din sa Taguig City Police na nalaman pa nila ang insidente sa media, na dapat aniya responsibilidad ng mga guwardya na kaagad ipagbigay alam sa mga otoridad ang mga nagaganap sa kanilang binabantayan kaya’t hindi na-i-preserve ang mga ebidensiya na malinaw aniya na paglabag ito sa batas.
Nakalagay din sa rekÂlamo ang hindi pakikiÂpagtulungan ng security agency noong Enero 25 nang magpunta ang mga pulis para imbestigahan ang insidente at itinanggi pa nila na may naganap na bugbugan sa naturang lugar.