Mag-utol, pamangkin natusta sa sunog

MANILA, Philippines - Halos hindi na makilala ang bangkay ng natupok na katawan ng isang magkapatid at kanilang pamangkin na natagpuang magkakapatong sa banyo ng nasunog nilang bahay kamakalawa sa Tondo, Maynila.

Ang  mga biktima ay kinilalang sina Gloria Agarin, 76, kapatid na si Corazon, 72 at pamangkin na si  Rochelle Agarin, 37, kapwa residente  ng 537-A, Francisco St., Tondo, Maynila.

Sa imbestigasyon ni SFO3 John Joseph Jalique, ng Manila Fire Department, dakong ala-1:26 ng hapon nang magsimula ang sunog sa  bahay  ng mga biktima.

Umabot ng ikatlong alarma ang sunog na naa­pula dakong alas-2:20 ng hapon.

Nang magsagawa nang inspeksyon sa nasunog na bahay ay nakita ang bangkay ng mga biktima na magkakapatong sa loob ng banyo ng  bahay na pag-aari ng isang Raul Baltazar.

Sa kasalukuyan ay hindi pa matukoy ang sanhi ng sunog na umano ay nagsimula sa unang palapag ng nasabing bahay na nagdamay ng iba pang kabahayan at nasa kalahating milyon piso na ari-arian ang naabo.

Show comments